Tuesday, August 26, 2008

Reflection Paper

Woman as the Other
By: Marrianne Katoppo

Woman as the other na isinulat ni Katoppo ay isang artikulo na nakabatay mismo sa kanyang karanasan at sa karanasan ng kanyang kababayan. Natutuo nya ang iba’t-ibang kaalaman mula sa kanilang kultura, sa mismong kasaysayan ng kanyang bayan at sa kanyang ama din mismo ay natutunan nya ang maging isang babae gaya din ng ibang babae. Natutunan nitong tignan ang mga lalaki bilang kanyang kapareho o kapantay, at hindi bilang isang superior sa kanya o nakakaangat sa kanya.

Ang maging iba sa iba ayon sa kanya ay resulta ng isang mapagpalayang karanasan mula sa Diyos, sapagkat para sa kanya ang Diyos ay isang ganap na iba sa lahat. Iba ang takbo ng kaisipan ng mundo, o pamamaraan ng tao sa mundo na kabaligtaran sa pamamaraan ng Diyos. Kung marami sa ating lipunan ang oppressive, ang Diyos ay kabaligtaran nito.

Binigyan diin ni Katoppo na ang pagiging iba sa iba ay isang pamamaraan upang ipaglaban o ipakita ang sariling pagkarao at ito ang kabuuan ng pagiging malayang nilalang. Gaya ng kanyang sinabi “I claim the right of woman to be the other in all her fullness and variety of gifts the other, who is not adversary, the deviation, the subordinate of the self, but the one who gives meaning to the self.” Ang maging iba sa iba ay maaring maging daluyan ng kalayaan, pagkakaroon ng respeto sa kabuuang ng buhay, isang buhay na sa mata ng Diyos ay mahalaga at dapat bigyan ng respeto at pagkilala sa gitna ng isang lipunan.

Para kay Katoppo ang pagiging iba bilang babae ay maaring maging akto na makapagpapalaya sa mga kalalakihan. Katunayan sabi nga nya relationship is important to define in an equal manner.” Ang pagiging babae na mapagpalaya mula sa pagsasamantala o isang isang lipunang “patriarchal” ay isang positong aspeto upang ang mga kalalakihan ay makalaya sa isang “kategorya” bilang tanging tagapaghanapbuhay o tagapagtaguyod sa lahat ng pangangailangan ng pamilya. Ang pagiging mapagpalang babae ay nagreresulta para maranasan at maabot ng isang lipunan ang ganap na kapayapaan, ang sabi nga ng may akda “woman is not only helper but to have shared responsibility” nagiging katuwang ng lipunan ang mga kababihan para sa pagbubuo ng isang lipunang Malaya at mapayapa.

Para sa akin, ang maging iba sa iba ay nagiging oppressive kung pilit nating ipinatatanggap sa iba ang ayaw nilang tanggapin na nagreresulta sa pagkapahamak nila. Ang maging iba ayon sa pagkakatalakay ng may akda ay hindi lang sa mga kababaihan ang usapin ng kalayaan, kundi sangkot ang sangkatauhan, hindi lang ng mga mahihirapa kundi ng mga mayayaman at mga ilitesta sa lipunan. Ang pagiging mapagpalaya ay isang pangkabuuang paraan ng pamumuhay. Sa pamamagitan nito, natutulungan nating makita ng mga tao, ng mga elites sa particular ang tunay na larawan ng lipunan at kumilos ayon sa pangangailangan. Hindi lang sa lipunan ng mga elite, maging ang iglesya na matagal na na enjoy ang pagiging “patriarchal” church/society, mga kultura at tradisyon ay dapat na maging iba sa perspektiba, kaisipan, teolohiya at pagkaunawa sa tunay na kalagayan.

Ang kaisipan ni Katoppo para sa akin ay hindi lang akma sa kanyang lipunan, hindi rin ito hiwalay sa ating lipunan. Kung babalikan nating kasaysayan bago dumating ang mga mananakop, makikita natin na mahalaga ang ginagampanang papel ng mga kababaihan sa lipunan, sa loob ng pamilya at sa mga proseso ng pagpapasya na nakakaapekto sa kanilang buhay at sa pangkalahatang kalagayan ng lipunan, sa indibidwal man o sa pangkalahatang pakinabang. Sa particular ang relihiyon naman noon bago ang mananakop ay hindi lang kinabibilangan ng mga mga kalalakihan, kundi kasama ang babae, lalaki, bata matandan at iba pang miembro ng lipunan.

Ang mayamang kulturang ito ay nawala o nasira sa pagpasok ng mga dayuhang mananakop na bitbit ang kanilang kultura, gaya ng naging karanasan ni Katoppo at ng kanyang bayan. Napalitan ang dating kulturang patas lang ang babae at lalaki ng isang kultarang dominante ng mga kalalakihan at ang mga kababaihan ay nagging sekondarya na lang sa lipunan. Na nakasalalay sa mga kalalakihan ang magiging “kapalaran” ng mga kababaihan at ng buong lipunan.

Ang teolohiya ng “Woman as the Other” ni Katoppo kung titignan ay nakaugat sa praktika at teorya, isang pamamaraang nagpapamalas at nagpapahayag ng katotohanan sa isang komprehensibong pamamaraan. Ito ay sapat, nagpapataas at mabisang paraan tungo sa isang ganap na pagbabago at pagkilala hinggil sa tagumpay ng Diyos na nakabatay sa pag-ibig, katarungan at kapayapaan na maaring maranasan ng sinuman na hindi tumitingin sa kung anong ang kasarian.

Friday, August 15, 2008

I Believe

Sumasampalataya ako sa Diyos ang makapangyarihan sa lahat. Na sa pamamagitan ng kanayang salita ay nalikha ang sangnilkha. Na nahahayag ang kanyang pag-ibig at pagliligtas sa kanyang makatarungang mga gawa.

Sumasamapalataya ako na si JesusCristo ang kaganapan ng di nagbabagong pag-ibig ng Diyos. Na sapat ang buhay at ministeryo ni Jesus upang maranasan ng mga nanalig sa kanya ang kaligtasan mula sa kasalanan at matamo ang buhay na ganap at kasiya-siya at mamuhay ng karapat-dapat sa pamantayan ng Diyos.

Sumasampalataya ako na ang Banal na Espiritu ay nagsisilbing lakas at kapangyarihan upang magawa ko ang mga kaparaanang angkop sa turo ni Cristo ayon sa panukala ng Diyos. Naniniwala akong kasama ko ang Banal na Diwa sa aking paglalakbay sa daigdig bilang gabay at guro upang manatiling maalab ang aking paglilingkod sa kanyang bayan.

Naniniwala akong ang kaharian ng Diyos ay kapahayagan ng isang mapayapang lipunan, lubos nitong pinapawi ang mga uri sa lipunan na nagsisilbing dahilan ng pag-aapi at pagsasamantala at ugat ng lahat ng kasamaan. Na sa pamamagitan nito ang lahat ay mabubuhay sa isang sistemang masagana, mapayapa at makatarungan.

Naniniwala akong sapat ang Biblia upang maging batayan ng pamumuhay Kristiano. Na ang mga nakasulat dito ay magdudulot ng pagbabago sa sinumang babasa nito. Ang mga nakasulat ditong karanasang ng mga taong nagkroon ng kaugnayan sa Diyos, sa kanyang lipunan na maaring paghalawan ng mga halimbawa at karanasan.

Naniniwala akong likha ng Diyos ang sangkatauhan kasama na ang lahat ng naririto, nasa himpapawid, sa ilalim ng dagat at sa ibabaw ng kalupaan. Ang mga ito ay nilikha para sa ikabubuti ng lahat. Naniniwala akong may tungkulin akong pahalagahan ito bilang katiwala ng Diyos, upang manatili itong sustenable na humahantong sa kapakinabangan ng lahat.

Naniniwala ako na ang Iglesya bilang komunidad ng mananampalataya at kinatawan ng diyos gaya ni Cristo dito sa daigdig para sa pagpapalaganap at sa katuparan ng gagawing pagliligtas ng Diyos sa sangkatuahan. Na sa pamamagitan ng Iglesya, maakay ang tao na pumaloob sa komunidad ng pag-ibig at pagtutulungan. Na bilang isang iglesya laging sangkot ang personal na pagliligtas ng Diyos ang paglilingkod sa sanlibutan, ang pagmamalasakit sa mga hamak na kapatid ni Kristo.

Naniniwala ako ang ang Huling Hapunang ginawa ni Cristo ay kapahayagan ng sakripisyo ni Cristo para sa lahat, ang ang bawat is ay malayang makabahagi sa pag-aalay ni Cristo sa kanyang buhay para sa kaligtasan ng lahat. Na sa bawat pagkakataong tayo ay nakikibahagi sa pagdiriwang nito, iniaalay din natin ang ating sarili para maging daluyam ng ng kaligtasan ng iba pa.

Naniniwala akong ang Kristianong pamumuhay ay ang pamumuhay na nakatuon sa pakikibahagi at pagsisikap na pagkaisahin ang lahat ng tao tungo sa pagtatag ng isang mapayapang mundo anuman ang pananalig, ideolohiya, uri, lahi at kasarian. Na isang pamumuhay na puspos ng katapatang tutupad sa pagpapalaganap ng gawaing makapagliligtas sa sangkatuhan at maging alulod ng mga biyaya mula sa Diyos.

Naniniwala akong ang Bautismo ay isang panlabas na kapahayagan ng isang panloob na simbolo o akto ng pakikipagtipan sa Diyos at pagpasok sa mga pinaghaharian ng Diyos. Na di lamang ito kapahayagan ng pagsisisi, kundi kapahayagan din ng pagnanasang maging kabilang sa komunidad ng mga mananampalataya, nakikibahagi sa buhay at kamatayang pakikibaka ng sambayanang sangkakristianuhan.

Naniniwa ako ang ang muling pagkabuhay ay katiyakan ng kawastuhan ng panukala ng Diyos para sa lahat ng naging tapat sa kanyang plano, na gaya ni Criso na ang lahat na nabuhay sa sanlibutang ito na nagpasyang ialay ang buhay alang-alang sa iba at magtatamo o makakamtan ang muling pagkabuhay. Na ang muling pagkabuhay ay kapahayagan ng tagumpay ng Diyos sa lahat ng anyo ng kasalanan na nagdudulot ng kamatayan.

Naniniwala akong may magaganap na pagbabago sa lipunan dahil sa makapangyarihang gawa ng Diyos na nagpapahayag ng kanyang pag-ibig at pagliligtas. Na kung ating ipapamuhay ang panukala ng Diyos ito’y magiging kapangyarihan at lakas na lilikha ng pagbabago sa sangkatauhan. Na kung ang bawat isa ay tutugon sa panawagan ng maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng Diyos na gawain ng pagliligtas ay tiyak na dadaloy at lalaganap ang biyaya at pag-asa para sa lahat lalung higit sa mga maliliit at hamak at kapuspalad na mga kapatid ni Cristo. Amen.

Friday, August 8, 2008

What is your understanding of the Church’s ministry to the present Philippine context and what is its implication in your task as cultural transformer

Kung titignan natin sa pangkaraniwang konteksto ng halos karamihan sa atin na tinatawag na kristiano, ang mabilis na sasabihin o isasagot sa tanong na iyan ay gawin kristiano ang mga tao, ipakikila si Cristo sa kanila upang kanilang maging panginoon at tagapaglistas. Sa ganyang sagot umiikot ang ministeryo ng ating mga simbahan. At sa sobrang extreme ang paniniwala ang misyon ng simbahan ay naka nakahon sa spiritual lang na aspeto ng buhay. Lumaki at nagkaisip ako sa loob ng simbahan at halos sa mga panahong ito ay naiapamulat sa akin ang ganitong uri ng ministeryo, hanggang maging bahagi ako ng isang organisasyon ng mga kabataang walang kuneksyon sa simbahan. Sa paningin ng organisasyong ito, ang simbahan sa kanyang tunay na katangian ay reaksyunaryo. Sa umpisa parang hindi ko maunawaan ang ibig sabihin nito – reaksyunaryo- ngunit sa paglipas ng panahon, nagiging malinaw sa akin ang kahulugan nito. Simple lang ang kahulugan nito, ang paraan ng pagharap ng simbahan sa sitwasyon ay nakabatay lang sa kung ano ang kanyang nakikita, na ang mga dahilan ng mga pangyayari ay dahil ito ang kalooban ng Diyos, para sa simbahan na magpahanggang sa ngayon ay ganito pa rin naman ang katangian na ang mga suliranin ay bahagi lang ng pagsubok ng Diyos, kaya bakit kailangan nating magpakahirap sa pag-ugat sa kalagayan ng ating buhay. Kapag mahirap ka, magtiis ka sapagkat iyan ang kalooban ng Diyos, kapag mayaman, magdiwang ka sapagkat pinagpala ka. Mga katwirang walng lohika. Isang malaking struggle sa akin ang ganitong kalagayan ng iglesya, may pagkakataong parang gusto ko nang lumabas sa istruktura nito at yakapin ang isang uri ng gawain. Pero para sa akin wala akong magagawa kung lalabas ako sa istruktura nito, inaalisan ko karapatan ang aking sarili na maging bahagi sa pagpapanday at pagmumulat sa mga tao sa loob ng istrukturang ito. At isa sa naisip kong paraan upang magawa ang cultural transformation sa loob ng iglesya ay magpakakadalubhasa sa gawain ng pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan (UMYF). Para sa akin ang kabataan ang siyang balon na di matututyuan na magluluwal ng mga progresibong kabataang kristiano na lalahok na buhay at kamatayang pakikibaka para sa paghuhobog at pagpapanday sa isang iglesya na naglalayong magpalaganap ng pagbabago. Syempre hindi ito makukuha sa isang gabing pag-iisip at paggawa, maaring dumaan ito sa masalimoot, makipot at pasikut-sikot na daan, may mga hindi matutuwa at gagawa ng paraan para ito ay hindi mangyari. Ngunit ang kabiguan ay hindi katapusan ng lahat, kundi ito ay bahagi ng buong proseso hanggang makamit ang tunay na pagbabago. Ang mahalaga, masimulan ito sa mga kabataan.

Theological Education in many South East Asian countries is grounded on the Critical Asian Principles. How do you understand this fundamental cornerst

Salik ng isang mabuting edukasyon ay nakabatay sa konteksto ng buhay. Ano ang silbi ng edukasyong hindi naglalayong mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga tao, kaalamang magbibigay sa kanila ng sapat na armas para maging wasto ang pagtingin sa mga bagay bagay. Kung ang ating pananampalataya ay hindi naglalayong ugatin ang mga salik at dahilan kung bakit tayo mananampalataya ay hungkang at walang bisa, wala itong silbi. Mahalaga kung gayon na ang ating pananampalataya ay naghihimok sa atin upang makidama sa buhay at pakikibaka ng sambayanang Asyano, particular sa ating bayan. Nilalayon ng CPA na mai lugar ang ating pananampalataya sa konteksto ng ating karanasan bilang mga asyano, mayaman ang ating karanasan at kulturang iniluwal ng maraming pakikibaka laban sa mga mananakop, ito ay sa anyo ng komersyo, kultura o relihiyon sa particular. Hindi natin kailanman maipaghihiwalay ang ating religious experience sa iba pang larangan n gating buhay. Sapagkat ang relihiyon ay isa sa malakas na pwersa upang hubugin ang ating kamalayan bilang isang tao, at ito ang dahilan kung bakit nabuo ang CPA. Naniniwala ako na kung magiging seryoso tayo sa pagtupad sa mga prinsipyo ng CPA, maiiwasan natin na makabuo ng isang teolohiya na nakalutang sa hangin na anumang sandali ay tangayin ng hangin at itapon sa kawalan. Maiiwasan din nating maging banyaga sa ating sariling konteksto at higit sa lahat mapagyayaman natin ang ating kakanyahan. Sa isang banda, kailangan din natin itong bantayan sa panganib na maging sarado sa ibang pananaw mula sa kanluran, hindi rin natin maaring kalimutan na ang kasapatan o kabuuan ng isang wastong pananaw ay hindi sapat kung kakalimutan natin o isasara natin ito mula sa labas ng ating konteksto, sapagkat hindi rin natin pwedeng hatulan ang kanilang mga karanasan.

Which character in the Bible do you best identify with? Why? How would this help explain your sence of calling or vacation?

Sa tingin ko, parang mahirap na ma identify o makatulad ko ang taong ito sa Biblia, pero pwede kong sabihin may malaking impluwesya ito sa ministeryo ko. Si Propeta Amos at si Propeta Mikas. Ang kanilang malakas na pag a-advocte ng justice and good. Nakatulong ito sa akin para maunawaan ko ang kahulugan ng paglilingkod o nang pagiging Pastor, lalo na’t ang una kong exposure ay sa gawaing activism bago ako nagpasyang mag Pastor. Maraming pagkakataon na higit kong nararamdaman ang aking silbi kapag kasama ko ang mga magsasaka na may pakikibakang agraryo, madali kong maunawan ang kahulugan ng salitang justice lalo na kung iuugnay ito sa katiyakan ng kabuhayan ng mga magsasaka, ng mga mangingisda at ng iba pang sector sa lipunan. Mas madali kong maunawaan ang kahulugan ng kaligtasan mula sa konteksto ng mga batayang uri ng lipunan, ang manggagawa at magsasaka, kababaihan, mga katutubo at iba pang sector ng lipunan. Madali ang gumawa ng aralin, bible study, sermon o iba pa na nakaugat sa buhay at kamatayang pakikibaka ng sambayanan, mga lingguahe na akma sa kanilang pang-araw-araw na karanasan, nasasalat, nalalasahan at nakikita. Hindi kailangang mag imagine ng mga bagay na imposible, oo, parang materialistic ang dating ngunit para sa akin ito ang kahugulan ng spiritualidad. Hindi mo mahihipo ang katarungan, pag-ibig, kapayapaan, kalayaan pero pwede itong maramdam sa paraang pagsasabuhay nito sa kanilang piling. Sa aking karanasan, higit kong naramdaman ang aking silbi kapag ang nakikita kong ang mga tao ay nagkakaroon ng lakas at loob na hararapin ang hamon ng buhay hindi dahil nandoon ako kundi dahil malinaw sa kanila at sa akin ang layunin ng pagkilos.

Ruth, Naomi at Orpha

Panimula

May mga bagay o pangyayari sa ating buhay na kung minsan parang ang hirap na maunawaan. Mga sitwasyong hindi natin inaasahan pero nagaganap, kung minsan kung ano iyong ayaw natin iyon ang nagaganap, merong maganda, syempre masaya tayo, pero kapag masama ang pangyayari syempre malungkot tayo, nalulungkot tayo. Pero kung minsan sa mga ganitong pangyayari hindi natin nakikita may suprisa ang Diyos. Sapagkat ang Diyos ay punong-puno ng surprise Maikling pagsulyap sa teksto Ang istorya ay tungkol sa isang lalaki na may asawa at dalang anak na lalaki, sila ay umalis sa Betlehem at nagtungo sa Moab, isang bayang hindi sakop ng Israel. Nagkaasawa ang dalawang anak nila. Sa paglipas ng panahon, namatay ang lalaki at ganon din ang mga anak nitong lalaki. Ang natira ay ang tatlong babae na bawang balo. Nagpasya si Naome na bumalik sa Betlehem ang kanyang bayan. Nagpasya itong pabalikin na sa kanilang mga dating pamilya si Ruth at Orpha. Bagamat sa una, tumanggi si Orpha na bumalik ngunit sa kapapaliwanag ni Naome, napasang-ayon nya si Orpha, ngunit hindi si Ruth, sapagkat nagpasya si Ruth na sumama ng tuluyan kay Naome pabalik ng Betlehem. Pagdating nila sa Betlehem, masaya silang binati ng kanilang kababayan, ngunit hindi ito matanggap ni Noame sapagkat para sa kanya hindi na siya ang babaing mapalad, kundi ang babaing sawinpalad. Ang dahilan nya, umalis silang nakakariwasa sa Betlehem ngunit bumalik syang walang taglay ni anuman. Ilang paglilinaw sa Teksto 1. Sa lumang tipan, dalawang aklat lang ang nakapangalan sa babae, una ang Ruth at pangalawa ay si Ester. 2. Si Ester may direktang kaugnayan sa bayang Israel, ngunti ni Ruth ay wala, isa syang Moabita, nagkataong napangasawa sya ng isa sa mga anak na lalaki ni Naomi, sa madaling salita hindi sya kabilang sa lahi ng Israel. 3. Kaya maiintindihan natin si Naomi kung bakit nagpasya itong pauwiin na lang iyong dalawa sa kanilang mga sariling pamilya, dahil putol na ang nagdudugtong sa kanila, ang kanilang mga asawa na kapwa patay na at wala nang anak na lalaki si Naomi na pwede nilang pangasawa ulit, ayon sa kultura at tradisyon (verses 11-12) 4. Sa kultura ng Banal na Kasulatan, may significant ang mga pangalan ng tao, hindi ito basta ipinapangalan ng walang dahilan. At kadalasan ang “kapalaran” o magiging papel ng isang tao ay naitatakda dahil sa kanyang pangalan. a. Noami – ang kahulugan nito ay pleasant o kaaya-aya, or pwedeng isalin sa mapalad b. Ruth – kaibigan, kasama, katuwang 5. Kaya mauunawan natin si Naomi kung bakit, ayaw na niyang patawag sa kanyang pangalan, sapagkat ang pakiramdam nya, hindi na siya si Naomi na mapalad, sya na si Mara na sawimpalad (verses 20-21) 6. Nagpasya si Ruth na sumama kay Naomi. Mahalagang salik ang pagpapasya ni Ruth na kilalanin ang Diyos na si Yahweh bilang kanyang Diyos (verse 16) sa ganitong paraan, nabubuksan ang pagkakataon upang maisangkot ang kanyang sarili sa gawain ng Diyos. 7. Larawan ng kawalang pag-asa si Naomi ngunit si Ruth ay larawan ng katiwasan, pag-asa at katiyakan, gaya ni Orphan na nagpasyang bumalik sa kanyang pamilya pang muling magpanibagong buhay, piliin ang maging Malaya, bagamat hindi natin pwedeng sabihing mas gusto ni Ruth ang manatiling nasa ilalim ng kultura ng kanyang byenan. Ilang tanong para sa talakayan. 1. Ang Diyos ay punong-puno ng surprise. Sa paanong paraan natin nakikita ang suprisa ng Diyos sa mga sitwasyon hindi natin nararamdaman ang presensya ng Diyos. 2. Paano natin hinaharap ang sitwasyon ito man ay mabuti o masama sa kontektong kasama natin ang Diyos sa lahat ng bagay. 3. Ano ang pagtanaw natin sa kalooban ng Diyos, paano natin ito iniuugnay sa mabuti at masama.

Nagkasala ang Tao

Panimula

Kung mabuti at makapangyarihan ang Diyos, bakit hinahayaan nyang lumaganap ang kasamaan at pagdurusa? Bagama’t hindi direktang sinsagot ng Biblia ang katanngang ito, ipinapakita niyon kung paano pumasok sa sanlibutan ang kasalanan at ang resulta niyon. Ngayon para maunawaan natin ito, kailangan nating balikan ang Genesis 2. Dito nabubuhay sina Eba at Adan sa halaman ng Eden, nabubuhay sila ditto ng payapa sa piling ng Diyos, nakikipamuhay nang mapayapa sa isa’t-isa at sa likas na daigdig na ipinagkatiwala sa kanila. Malaya silang gampanan ang pananagutang iyon at kainin ang alinmang bunga sa halaman, maliban sa isa. Ang puno ng kaalaman hinggil sa mabuti at masama ang magsisilbing sukatan o subukan ng kanilang pagiging masunurin sa tagapaglikha. Sa araling ito, makikita natin kung paano nila hinarap ang pagsubok na ito at kung anu-ano ang maari nating matutunang leksyon sa kanilang karanasan. Ilang paglilinaw sa Teksto Inilalarawan ng teksto na tila higit na maabilidad ang ahas kaysa sa iba pang mababangis na hayop na nagawa ni Yahweh (verse 1). Makikita ito sa paraan ng kanyang pagtatanong kay Eba hinggil sa utos na dapat at di dapat na kainin sa loob ng halaman at mga magiging bunga nito o resulta nito (verses 2-3). At sa kanyang pakikipag-usap, nakita nyang may natutulog na pagnanais si Eba sa kaalaman hinggil sa masama at mabuti at ito ang siyang pinukaw ng ahas (verse 6). Sa ganitong sitwasyon nagawa ng ahas na baluktutin ang tunay na layunin at resulta ng utos ng Diyos dahilan upang humantong ang dalawa sa isang magkasalungat na desisyong dapat nilang gawin at nagging imposible sa kanila na labanan ang tukso ng madama nila ang mga bentaheng inihahain ng kalayaan. Naipit ang dalawa sa pagitan ng alin ang mas mahalaga: ang narinig na utos ng Diyos o ang ninanasa ng ating mga mata? Alam nating nabigo sila Adan at Eba na matupad ang ipinag-uutos sa kanila ng Diyos, ngunit tila tama naman ang ahas, sapagkat hindi sila namatay at katunayan nagkaroon sila ng kaalama hinggil sa mabuti at masama at ang una nilang namalayan sila ay mga hubad at para nilang sinasabi masama ang nakahubad kaya gumawa sila ng pantakip sa kanilang hubad na katawan (verse 7). at pagdating ni Yahweh, doon niya nalaman ang pagsuway nila Eba at Adan at sila kasama ang ahas ay pinatawan ng kaparusahan. Ilang mga punto sa ikalilinaw ng teksto Pwede nating sabihin na hindi ito usapin ng kasarian, o walang kinalaman ditto ang pagiging babae ni Eba at pagiging lalaki ni Adan sa kanilang nagging desisyon na kainin ang prutas na ipinagbaabwal sa kanila ng Diyos na kainin, dahil hindi naman iyon ang intension ng teksto, kaya hindi pwedeng ibigay ang sisi sa babae o sa lalaki. Na ang kanilang pagkaalam na sila ay hubad ay hindi dahil sila ay nahihiya o may sumbat ng budhi sa dahil sa kanilang kasarian. Sa katunayan, marangal ang tingin ng Biblia sa kasarian, sa kabila ng katuruan ng ilang iglesya sa loob ng maraming siglo. Ang kanilang kahubaran ay palatandaan ng kanilang kawalang malay, sa usapin ng kung ano ang masama at kung ano ang mabuti. Ang kanilang pagsisikap na takpan ang kanilang sarili ay sapagkat nakadama sila ng sumbat ng budhing kailangan nilang pagtakpan upang mapanatiling presentable o disinter Sa ating pananaw, hindi masama ang magtamo ng kaalaman hinggil sa mabuti at masama, na hindi masama ang maging mulat, ngunit kung titignan natin ang nagging karanasan nila Eba at Adan, ano ang nagging epekto sa kanila matapos na mabuksan ang kanilang isip, nakita nilang sila ay hubad, nahiya sila na Makita nila ang kanilang mga kasarian, biglang nademonized ang kanilang mga hubad na katawan kaya kailangan nilang takpan at magtago sa Diyos. Gaya ng sagot ni Adan, hubad po kasi ako, kaya ayaw kong humarap sa inyo. Ang sagot ni Yahweh, sinong may sabing hubad ka, kumain ka ba ng prutas na ipinagbabawal ko sa inyo? Sa usapin ng pagkakamali, kapwa nakagawa ng maling disisyon si Adan at si Eba at hindi ito nakabatay sa kanilang mga kasarian, sa halip nakinig sila kapwa sa isang nilikha lamang sa halip na sa tagapagligtas. Sinunod nila ang sarili nilang tantiya sa halip na ang instructions ng Diyos. Pinagdudahan nila ang pagpapakita ng Diyos ng malasakit sa kanilang kagalingan. Hiningad nilang magkaroon ng kaganapan ang sarili nilang layunin. Kadalasan ang ganitong sitwasyon tayo inuudyukan ng mga kaisipang ito para suwayin din ang kalooban ng Diyos. Malinaw ang intension ng Diyos na manatili tayong nakaasa sa kanya at wala akong nakikitang mali doon para sa akin tanging ang Diyos lamang ang may kakayahang magtakda ng mabuti at masama at sa aking palagay hindi intension ng Diyos na tayo ay magkaroon ng kaalaman ng mabuti at masama, marahil sa tamang panahon ayon sa itinakda ng Diyos. Ilang mga tanong na pwedeng pag-usapan Ano ang masamang magnasang magtamo ng kaalaman hinggil sa mabuti at masama? Bakit kailangang ipagkait ito sa tao at ano ba ang samang ibubunga kung nalalaman natin ang mabuti at masama. Kailan nagiging masama o masama nga ba talaga ang kasarian ng isang tao? Ano ang pagkakaiba ng babae o lalaki, meron bang pagkakaiba ang lalaki sa babae sa usapin ng pagiging mabuti at masama. Paano nating nakikita ang kabutihan ng Diyos sa kabila ng kanyang disisyong paalis si Eba at Adan sa Paraiso at patawan ng kaparusahan.

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Manggagawa sa Ubasan

1Ito ay sapagkat ang paghahari ng langit ay katulad sa isang may-ari ng sambahayan na lumabas nang maagang-maaga upang umupa ng mga manggagawa sa kaniyang ubasan. 2Nang nakipagkasundo na siya sa mga manggagawa sa isang denaryo sa bawat araw, sinugo na niya sila sa kaniyang ubasan. 3Lumabas siya nang mag-iikatlong oras na at nakita niya ang iba na nakatayo sa pamilihang dako na walang ginagawa. 4Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa ubasan at kung ano ang nararapat, ibibigay ko sa inyo. Pumunta nga sila. 5Lumabas siyang muli nang mag-iikaanim at mag-iikasiyam na ang oras at gayundin ang ginawa. 6Nang mag-ikalabing-isang oras na, lumabas siya at natagpuan ang iba na nakatayo at walang ginagawa. Sinabi niya sa kanila: Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa? 7Sinabi nila sa kaniya: Ito ay sapagkat walang sinumang umupa sa amin. Sinabi niya sa kanila: Pumunta rin naman kayo sa aking ubasan. Anuman ang nararapat, iyon ang tatanggapin ninyo. 8Nang magtatakip-silim na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala: Tawagin mo ang mga manggagawa. Ibigay mo sa kanila ang kanilang mga upa, mula sa mga huli hanggang sa mga una. 9Paglapit ng mga dumating ng mag-iikalabing-isang oras, tumanggap ng isang denaryo ang bawat isa. 10Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang sila ay tatanggap ng higit pa. Ngunit sila ay tumanggap din ng tig-iisang denaryo. 11Nang matanggap na nila ito, nagbulung-bulungan sila laban sa may-ari ng sambahayan. 12Sinabi nila: Ang mga huling ito ay isang oras lamang gumawa at ipinantay mo sa amin na nagbata ng hirap at init sa maghapon. 13Sumagot siya sa isa sa kanila: Kaibigan, wala akong ginawang kamalian sa iyo. Hindi ba nakipagkasundo ka sa akin sa isang denaryo? 14Kunin mo ang ganang sa iyo at lumakad ka na. Ibig kong bigyan itong huli nang gaya ng ibinigay ko sa iyo. 15Hindi ba nararapat lamang na gawin ko ang ibig kong gawin sa aking ari-arian? Tinitingnan ba ninyo ako nang masama dahil ako ay mabuti? Usapin ng sahod ang mayor na sangkot sa talinghagang ito, bagamat may nagsasabing ang talinghaga ay naglalahad ng pagiging makatwiran ng Diyos, sa biglang tingin parang ganon nga ang gustong ipahiwatig ng talinghalga. Pero kung sa konteksto ng sahod, hindi ito usapin ng pagiging makatwiran, kundi isyu ito ng sapat na sahod. Kapag sinabi nating sapat na sahod, tumutugma ito sa kakayanan ng sahod na tugunan ng pang-araw-araw na pangangailangan ng tao. Noong taong 2000 ang ang batayang pangangailangan ng isang pamilya na may anim na meimbro ay mahigit sa 400.00 pataas kung sa mga probinsya na hindi urban at 500.00 pataas sa mga syudad gaya ng Metro Manila at iba pang urban na katangian. Ngayon halos nasa 800.00 pataas basic allowance para matugunan ang mga batayang pangangailangan ayon sa huling tala ng NEDA. Ang basic salary sa CALABARZON ngayon ay nasa 350.00 hindi ko tyak ang eksakto, kung isa lang ang naghahanapbuhay sa pamilya, hindi ito sapat kahit dalawa pa silang magtrabaho, lalo na sa kalagayan natin ngayon na ang mga pangunahing pangangailangan natin ay tumaas na, paano pa pagkakasyahin ang kakampot na kita ng mga manggagawa. Ipinagmamalaki ni GMA na sa kanyang panahon, marami ang nagkatrabaho, at para bang sinasabi niya na dapat magpasalamat pa tayo sa kanya dahil patuloy siyang gumagawa ng paraan para ang mga mangangalakal ay magpunta ditto para mag invest ng negosyo ditto sa Pilipinas, at dapat na maging mabuti tayo sa mga negosyanteng ito, dapat hinid tayo gumawa ng anumang dahilan na magreresulta ng kanilang pag-alis. Pinipilit tayong tanggapin ang kakarampot na sahod huwag magreklamo sa kanilang kabutihan sa atin. Ang gobyerno kapag ang mga negosyante ay ayaw magdagdag o pumayag sa kahilingan ng mga manggagawa na dagdag sahod, nauunawaan nila ito, at katunayan ginagawan pa nila ito ng paraan para maging legal ang kanilang pagwawalang bahala sa kahilingan ng mga manggagawa, maraming batas tungkol dyan at isa na ang Herrara Law na kilala sa tawag na contractualization law, pinahihintulutan nito na manatiling contractual ang isang manggagawa dahilan upang mabawasan hanggang sa mawalan ito ng mga benipisyo kasama na ang karapatang mag union sa siyang pangunahing sandata ng mga manggagawa para sa kanilang katiyakan sa trabaho at maringal na sahod. Sa kabilang banda kapag ang manggagawa ang humingi ng dagdag sahod, katulong din ang gobyerno ngunit hindi para sila mapagbigyan kundi para mapigilan sila na huwag humingi ng dagdag na sahod, at kapag nagreklamo, pagbibintangang nanggugulo, komunista kaya dapat na dahasin. Maging ang karapatang mag union ay inaalis. Totoong sa teksto ay binigyan nya ng hanapbuhay ang mga walang trabaho, pero hindi ito sapat na batayan para pigilan ang mga manggagawa na magpahayag ng kanilang saloobin, gayon alam nila ang tunay na kalagayan na may kakayahan ang negosyante na magbigay lampas sa itinakda ng batas, sapagkat hindi naman ginagarantiya ng batas na sasapat ang kita ng isang manggagawa sa isang araw para mapunan ang kanilang pangangailangan. Kung sa ating konteksto, ang pasahod ba itinakda ng batas ay batay sa pangangailangan ng isang pamilya na may anim na miembro, pinapawi ba nito ang kahirapan, o tinitiyak lamang ng batas na ang mga manggagawa ay manatiling nakatali sa kakarampot na kita at maging tungtungan ito ng mga negosyante para paikutin at pabalik-balikin ang manggagawa upang tuloy-tuloy na makinabang sa lakas panggawa ng mga manggagawa habang kumukita ito ng malaki. Sa album ni Gary Granada na pagsamba at pakikibaka ay may ganito siyang sinabi “hindi lahat ng pasuray-surya ay lasing”. Totoo ito sa kalagayan ng manggagawa, 12 oras na magtatrabaho, at dahil kulang kailangang mag sideline, kunti na lang ang pahinga, pero kailangang magpahinga at habang nasa sasakyan, sasamantalahing magpahinga. Ganito kamiserable ang kalagayan ng mga manggagawa na binubuo na 15% ng sa ating lipunan sa simula pa lang ng kanilang pag sulpot bilang isang uri ng lipunan. Hindi ba’t nakakalungkot isiping ang mga manggagawa ang lumikha ng malalaking gusali, sila ang gumawa ng mga mahahabang kalsada ngunit maputik ang daan patungo sa kanilang barong-barong na tahanan. Sa kanilang lakas at pawis, umuunlad ang ekonomiya, ngunit sila ang walang sapat na pagkain sa mesa. Kung ang paghahari ng Diyos ay nagtitiyak ng buhay ng ganap at kasiya-siya, gaya ng sinabi ni Jesus Juan 10.10, ano ang kahulugan nito sa mga manggagawa, ano ang katuturan nito sa ating pananampalataya. Habang maraming manggagawa na humihingi ng dagdag na sahod, malayo pa ang kaharian ng Diyos. Kaya ang pawagan natin. Dagdagan ang sahod ng mga manggagawa 125.00 across the board nation wide at dagdagan ang sahod ng mga kawani sa gobyerno ng 3000.00 bawat buwan. Amen.

Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at sa mga Kasama

9Sinimulan niyang sabihin sa mga tao ang isang talinghaga. Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Ipinaupahan niya ito sa mga magsasaka ng lupain at nilisan niya ang bayan sa mahabang panahon. 10Sa kapanahunan, isinugo niya sa mga magsasaka ang isang alipin upang ibigay nila sa kaniya ang bunga ng ubasan. Ngunit binugbog ito ng mga magsasaka at pinaalis nang walang dala. 11Muli siyang nagsugo ng isang alipin ngunit binugbog din nila ito at pinagmalupitan at pinaalis nang walang dala. 12Nagsugo siyang muli ng pangatlo ngunit kanila rin siyang sinugatan at itinaboy palabas. 13Sinabi ng panginoon ng ubasan: Ano ang gagawin ko? Susuguin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Marahil siya ay igagalang kapag siya ay kanilang nakita. 14Ngunit nang siya ay makita ng mga magsasaka, sila ay nag-usap-usap. Kanilang sinabi: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang mana. 15Nang siya ay kanilang maitaboy palabas ng ubasan, siya ay kanilang pinatay. Ano nga ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? 16Darating siya at lilipulin ang mga magsasakang ito. Ang ubasan ay ibibigay niya sa iba. Pagkarinig nila nito, kanilang sinabi: Huwag nawang mangyari. 17Tiningnan niya sila at kaniyang sinabi: Ano nga ang kahulugan ng nasusulat na ito: Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ay naging batong panulok? 18Ang bawat isang babagsak sa batong iyon ay magkakapira-piraso. Ngunit ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog. 19Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay naghanap ng paraan upang hulihin siya sa oras ding iyon at natakot sila sa mga tao. Ito ay sapagkat alam nila na sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila. Hindi lahat ng legal ay tama at hindi lahat ng illegal ay mali. Sa tradisyunal na interpretasyon, ang may-ari ay kumkatawan sa Diyos, ang ubasan ang kaharian niya at ang mga kasama ay ang mga tao. Ngunit kung sa konteksto ng magsasaka natin ito titignan, ang may ari ng lupa ay isang malaking panginoong maylupa na nagmama-ari ng malawak na lupain at ang mga kasama ay mga taong naagawan ng lupa kaya naging manggagawang bukid na lang sila o di kaya’y mga magsasakang nagbubuwis sa may ari. Kung ating ilalarawan ang relasyon sa talinghaga – tenant and land owner ang relasyong ating mailalarawan. Ang ganitong relasyon ay laging pabor sa panginoong may lupa, kung sa ating konteksto, maaring ang hatian ay 70/30, 70% ang mapupunta sa land owner at 30% lang ang mapupunta sa magsasaka. Ang ganitong relasyon ay laging naglalagay sa manggagawang bukid o magsasaka sa depensibong sitwasyon, kung lahat ng gagamitin nya sa pagsasaka ay uutangin nya sa may-ari ng lupa, kulang ang 30% na kita nya para matugunan ang kanyang kabuhayan. Sa talinghaga, makikita nating walang partisipasyon ang may ari sa gawaing produksyon, tanging ang pagiging “may-ari” sa lupa lang ang pinanghahawakan nito at iyon ang mayor na mapagpasya sa usapin ng kita o partihan. Sa relasyong buwisan, bahala ang magsasaka na mag provide ng lahat ng farm input, kumita man o hindi obligado ang magsasaka na ibigay ang 70% na kaparte ng may-ari, wala itong bawas, samantala sa bahagi ng magsasaka, sa 30% nitong kaparte kukunin ang pambayad utang na ginamit na farm input at pagkain nila habang wala pang ani o benta. Kaya ang resulta, sako o lalagyan na lang ang matitira o mii-uuwi ng magsasaka sa kanyang bahay, may utang pa ito. Pagdating ng anihan ang unang iisipin ng mga kasama ay kung paano nila matitiyak na kahit paano ay may maiuwi sila sa kanilang bahay para makatugon sa kanilang pangangailangan. Ang panginoong may lupa sa kabilang banda ay kukuha siya ng kaparte nya pero hindi nangangahulugan na kailangang kailangan nya ang kaparte nya, maisasama lang ito sa marami pang kaparte nya mula sa ibang kasama na kinukuhanan nya ng kaparte, pero sa magsasaka, usapin ng buhay at kamatayan ng boung pamilya ang sangkot. At kapag ito na ang sangkot, marami nang pwedeng magawa para matiyak ang kasiguruhan ng buhay. Kung sa legal na usapan, sadyang may karapatan ang may ari na kumuha ng kaparte sa lupang ipinasasaka nya sa mga kasama, at obligasyon ng kasama na ibigay ang kaparte sa may-ari ng lupa. Iyan ang legal. Pero dahilan sa legalidad maraming mga magsasaka ang nawalan ng lupa at marami ang naging mga naging mangagawang bukid na lang. Legal na kunin ng panginoong may lupa ang kanyang kaparte kahit na magresulta ng pagkagutom, patuloy na pagkabaon sa utang ng mga kasama at pagkasadlak sa lubhang kahirapan sa buhay. Ilegal na huwag ibigay ang kaparte ng may-ari, illegal na saktan ang mga kinatawan ng may-ari para kunin ang kaparte at lalong illegal na saktan hanggang patayin ang anak ng may ari para matiyak na hindi makukuha ang kaparte ng may-ari. Sa pagitan ng legal at illegal, ng panginoong may lupa at kasama, ng buhay at kamatayan alin ang mas mahalaga. Ang choice ng panginoong lupa ay gamitin ang lahat ng kanyang rekurso para matiyak na mukukuha nya ang kanyang kaparte at hindi imposibleng gumamit ito ng pinakamarahas na paraan para maipilit ang kanyang karapatang ginagarantyahan ng legal na batas at sa kabilang banda sisikapin din ng mga kasama na matiyak na mabubuhay sila ng maayos kahit na gumamit sila ng extra legal, meta legal o para legal dahil hindi lang ito usapin ng legal o illegal, usapin din ito ng buhay na tiyak kahit hindi masagana. Para sa akin ang talinghaga ay naglalarawan o naglalahad ng isang tunay na kalagayan sa kanayunan, habang ang panginoong may lupa na walang direktang pagsangkot sa produksyon napupunta ang malaking parte at sa kabilang banda naman ang mga magsasaka na boung panahon nila ay nasa proseso ng produksyon ay siyang maliit ang nakukuhang kaparte. Walang karapatan ang sinuman na alisan ng karapatang mabuhay ng maayos dahil lamang sa legalidad at hindi kailanman maaring hatulan ang isang tao na masama dahil sinuway nito ang itinatadhana ng batas. Ang pagkakait ng pagkakataon para mabuhay sa iba dahil lamang sa usapin ng legal ay kasing kahulugan ng pagkakait ng katarungan at karapatang mabuhay.

Pagsamba para sa Pagtatalaga ng Bagong Pamunuan at Mga Bagong Kaanib ng KaSimBayan UTS

Pagtitipon
Masayang Pag-aawitan
Tawag sa Pagtitipon
Kami’y iyong mga anak
NARINIG KA NAMIN SA LIPUNAN, NAKITA KA NAMIN SA KANAYUNAN, NADAMA NAMIN ANG IYONG PRESENSYA SA KALAGITNAAN NG KARALITAAN SA KALUNSURAN
Dakilang Diwa, amin kang nakilala, narinig ka naming sa iyong pagsasalita
BATID NAMING SA MGA ORAS NA ITO, MALAPIT KA SA AMIN, SINGLAPIT NG MGA MARALITANG TAGA LUNSOD, NG MGA MARALITANG MAGSASAKA, NG MGA MANGGAGAWANG BUKID, NG MGA MARALITANG MANGINGISDA AT NG MGA KATUTUBO
Samahan mo kami sa aming pagsamba

SIYA NAWA

Awit Paglalakbay

Sa ating paglalakbay, kay raming iniisip,
Pagpunta sa kabundukan, matibay ang pananalig
May layunin bawat paglalakbay, may diwa bawat pagpapagal
May araw na maghuhudyat, sa layang laon nang hinahangad

Sa ating paglalakbay kay raming natutunan,
Sa piling ng mamamayan na mulat sa katotohanan
May layunin bawat paglalakbay, may diwa bawat pagpapanday
May araw na maghuhudyat, ng layang laon nang hinahangad

Sa ating paglalakbay kay raming naranasan,
Sa tagumpay at kabiguan, katatagan ang kailangan
May layunin bawat paglalakbay, may diwa bawat pagsisikhay
Ang masa ang magtatakda, sa panahon ng ganap na paglaya.

Ulitin ang unang stanza then koda

Koda:

Ang masa ang magtatakda sa panahon ng ganap na paglaya.

Panalangin Lahat

Panginoong Diyos ng kasaysayan, narito ang iyong bayan upang sa muli ay mag-alay ng mga buhay at magpanibagong lakas ng sa gayon ay buong puso at diwa naming magampanan ang iyong kalooban ng walang pasubali – ang mapaglingkuran ang mga aba, mga biktima ng isang sistemang mapaniil. Patatagin mo ang aming hanay, upang sama-sama naming magapi ang kaaway ng kabutihan at maranasan namin ang kaganapan ng buhay na iyong inilaan sa bawat isa sa amin. Ito ang aming dalangin sa pangalan ni Cristong aming kasama sa pakikiba. Amen.

Isang Litanya

Unang tinig: Nabubuhay tayo . . .
Ika-2 tinig: Ang mga Estudyante . . .
Ika-3 tinig: Kabilang ang mga maralitang . . .
Ika-4 na tinig: Ang mga manggagawa . . .
Ika-5 tinig: Sa kanayunan . . .
Ika-6 tinig: Maraming bilangong . . .
Ika-7 tinig: Propesyunal . . .
Ika-8 Kabilang sila sa . . .

LAHAT: O PANGINOON, KAILANGAN KA NAMIN NGAYON, IPINAGKAKATIWALA NAMIN ANG
AMING MGA SARILI SA IYONG MGA KAMAY, KALOOBAN MO ANG MANGYARI AT SUNDIN, SUBALIT DINGGIN MO ANG TINIG NG BAYAN, DINGGIN MO ANG DAING NG SAMBAYANAN.

Pagbasa ng Banal na Kasulatan

Isang Kulturang Pagtatanghal

Ang Pambasang Kalagayan

Malayang Talakayan

Pagpapanibagong Sigla sa Pagkilos

Likas sa ating mga uring pinagmulan ang mabulugan at kalimutan an gating misyon. Batid natin ang anyo ng mapagkunwaring lipunan at patuloy tayong tinutukso upang sa pagdaka’y mga pansariling kapakanan an gating isipin. Lumilikha tayo ng mga dahilan upang bigyang katwiran ang mga nagawa nating malayo sa hinihingi ng pagkakatawag sa atin.

PATAWARIN MO KAMI, O DIYOS AT BIGYANG LAKAS SA MULING PAGBABAGO. MATIBAY NAWA NAMING TANGANAN ANG AMING TUNGKULIN AT RESPONSABILIDAD NA MAGWASTO SA AMING KAHINAAN.

Sa araw na ito ay muli tayong mag-aambag at maglililok sa kasaysayan ng Bayan. Bubuklurin tayo ng ating diwa, pananampalatayang taglay ay pagsasanibin, upang mag-aral at magsuri, bumuo ng mga balaking panawagan at mga estratihiyang ikapagpapalaganap ng paglaya ng bayan ng Diyos.

Pagtatalaga sa mga Bagong Kasapi at Muling Paghahayag ng Pagsapi

Naririto tayo ngayon, upang sa muli ay papag-isahin ang ating mga bisig, mga Gawain, mga kakaharapin, mga adhikain at mga panawagan sa ikakalaya ng sambayanan ng Diyos. Tayo ay bahagi para sa katuparan ng pangako ng kaharian ng Diyos, may tungkulin tayong harapin ang mga pwersang hahadlang sa katuparan nito at maging bahagi sa pagsasaayos at pagkakamit ng buhay na ganap at kasiya-siya

Panunumpa ng mga Bagong Kasapi

Pagtatalaga sa Bagong Pamunuan

Pagpresente sa mga Bagong Opisyales

Mga kapatid, mga kasama, mga kaibigan, narito sa ating harapan ngayon ang ating bagong pamunuan upang makasama nating gumampan at kumilos para sa pagkakamit ng layunin at paninindigan ng ating organisasyon – ang Kapatirang Simbahan para sa Bayan.UTS chapter.

TANGGAPIN NINYO ANG AMING PAKIKIISA AT SUPORTA SA PAGSUSULONG NG ATING MGA MITHIIN, PANGITAIN AT MISYON – ANG ITAYO ANG ISANG LIPUNANG MALAYA AT MAKATARUNGAN.

Mga kasama sa pamunuan, kayo ay pinili bilang mga kasamang kakatawan sa ating organisasyon na siya ring may katungkulang sumubaybay sa mga gawaing ating mapagkakaisahan at pagtitibayin. Inaasahan kayo ng buong kapatiran ang inyong maalab na pagtugon at paggampan sa inyong mga tungkulin.

Ang Tugon Ng Mga Bagong Halal

Awit Sumasaakin ang Espiritu

Koro: Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, ako’y hinirang N’ya upang tumugon
Sa daing ng mga aba at ihatid sa mga dukha, ang magandang balita ng kaligtasan

Sinugo ako upang ipahayag, ang kalayaan sa mga bihag
Bigyang paningin ang mga bulag, dalhin ang nasa dilim sa may liwanag(Koro)

Ang inaapi at mga sinisiil, ay hahanguin sa mga hilahil
Ipapahayag ang pagsapit ngayon ng tanging pagliligtas ng Panginoon (Koro)

Panalangin

Saturday, August 2, 2008

KABATAAN: Nakatalaga Kay Cristo, Tinawag upang Maglingkod

Paano tayo ngayon? Iyan ang isang tanong na magandang itanong sa ating kalagayan ngayon. Kung papansinin nating mabuti, sa panahong ito damang-dama natin ang krisis,k una sa ating buhay material at ikalawa sa ating pananampalataya bilang mga kabataang Cristiano, kaya angkop ang islogang “Committed to Christ, Called to Serve” dagdagan mo pa ng motto ng UMYF na “Christ Above All” kumpleto na ang sangkap para sa isang masigla at aktibong hanay ng kabataan.

Subalit dahil nga dinaranas na krisis sa pananampalataya, na tila sanhi ng pagkitid ng pagkaunawa kay Cristo,l nanlalamig ang mga kabataan sa paglilingkod at humahantong na lang sa pagkatamlay at magkasya na lamang sa pagbibigay ng lip service sa Panginoon at sa kanyang kapwa/bayan. Ang mga Cristianong kabataan sa atin ngayon ay “Kumitid to Christ, Cold to Serve”

Sa pagkakataong ito, napapanahong balik-tanawin at balik-aralan natin ang mga pangyayari sa buhay ng ating mga ninuno sa pananampalataya upang matulungan tayo sa pagbibigay natin ng lunas sa suliraning kinasadlakan natin ngayon. Muli nating suriin ang pagkakatawag ng Diyos sa kanila noon upang mailagay natin sa wastong perspektiba ang ating pagkakatawag sa atin ngayon. Isa-isahin natin ang mga tinawag ni Yahweh na nagging matingkad na huwaran para sa mga mananalaysay ng Banal na Kasulatan.

Sinu-sino sila at ano ang kanilang mga pangalan.

Abraham: Genesis 12.1-5

15Sinabi ni Yahweh kay Abram: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong Ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa baying ituturo ko sa iyo.

Moises: Exodo 3.1-17, 6.1-9

2Doon ang anghel ng Panginoonay nagpakita sa kanya, parang ningas ng apoy
sa gitna ng isang mababang punong kahoy 4Nang lalapit na si Moises, tinawag siya
ni Yahweh, buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.”

Deborah: Hukom 4.4

4Noon, si Propetisa Debora na asawa ni Lapidor ang hukom ng Israel.

Isaias: Isaias 6.1-11
8Narinig ko ang tinig nim Yahweh, “Sino ang aking ipadadala.? Sino an gaming
susuguin?” sumagot ako, “Narito po ako. Ako ang isugo n’yo.” 9Sinabi niya, “Humayo ka, sabihin mo sa mga tao: . . . .

Jeremias: Jeremias 1.1-10
4Sinabi sa akin ni Yahweh, 5Pinili na kita bago ka ka pa ipinaglihi upang maging propeta
sa lahat ng bansa 6 Sinabi ko naman “Yahweh, hindi po ako marunong magsalita; bata pa po ako.” 7Subalit sinabi niya sa akin “Huwag mong sabihing bata ka pa. Sinusugo kita kaya’t humayo ka.

Ang Mga Alagad: Mateo 4.18-22, 9.9
18Sa paglalakad ni Jesus sa tabi ng Lawa ng Galileai, nakita niya ang dalawang
mangingisda, si Simo . . . at si Andres. 19 . . . . “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mamalakaya ng mga tao.”

9.9 . . . Nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo . . . sinabi ni Jesus sa kanya,
“Sumunod ka sa akin.” Tumayo si Mateo at sumunod sa kanya.

Si Mariang ina ni Jesus: Mateo 1.26-38
26 . . . ang anghel Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazareth, Galilea 27Sa isang dalaga na
ang pangalan ay Maria. 28Paglapit ng anghel, binati niya ito “Matuwa ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos, sumasaiyo ang Panginoon”

Ngayon para mas higit na maging accurate na maunawaan natin ang pagtawag ni Yahweh sa mga taong ito, kailangan nating tignan ilang mga detalye o sitwasyong kanilang kinakaharap o kalalagayan nila ng dumating ang panawagan ng Diyos o namalayan nilang tinatawag pala sila ng Diyos na si Yawheh.

Una: kailangan pansinin natin ang kanilang sitwasyon noong manawagan si Yahweh. Nang tawagin ni Yahweh si:

Abraham: Genesis 11.9 “Babel ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo’y ginulo ni
Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, pinangalat nga nila ang mga tao sa buong
daigdig.”

Magulo/nakakataranta ang lenggwahe ng buong daigdig, kalat-kalat ang mga tao sa balat ng daigdig. Ibig sabihin hindi nagkakaunawaan ang mga tao, wala silang pagkakaisa.

Moises: Exodo 3.7… nakita kong labis ang na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan.
Alam ko ang hirap nilang tinitiis at naririnig ko ang kanilang daing 9… narinig ko nga ang daing ng aking bayan at alam ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila.

Exodo 6.5….narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio 9….dala
na sila sa matinding hirap nilang dinaranas.

Miserable ang buhay ng mga Israelitang nasa Ehipto, dumaraing sila sa kanilang
mga taskmaster, inaapi sila at buong lupit na inaalipin ng mga Ehipcio, bagsak na bagsak ang kanilang espiritu. Nangangahulugan ito na Miserable ang buhay ng bayan ni Yahweh sa ilalim ng sistemang alipin, dumaraing sila dahil sa kaapihang dinaranas nila sa ilalim ng pamahalaang Ehipcio at alipin sila ng kulturang busabos.

Deborah: Hukom 4.1…muling namuhay sa kasalanan 2…lupig sila ng Haring Jabin 3…Ang Israel
ay binusabos niya sa loob ng dalawampung taon

Nasa panahon sila ay namumuhay sa kasalanan dahilan upang sila ay sakupin ng isang haring malupit at busabusin. Nabubuhay sa kasalanan ang bayan ng Diyos, kaya pansamantala silang pinabayaan at ipinalupig sa mananakop.

Isaias: Isaias 6.5… naninirahan sa piling ng mga taong marurumi ang labi 9… makinig man kayo nang
makinig ay hindi kayo makauunawa, tumingin man kayo ng tumingin ay hindi kayo makakikita.

Ang bayan ng Diyos ay marumi ang kanilang labi, nakakapakinig sila , subalit hindi sila
nakakaintindi, nakakakita sila subalit disila makaunawa. Labag sa kalooban ni Yahweh ang itinuturo nila at sinasaysay ng mga tao. Salungat sa aral ni Yahweh ang paniniwala ng bayan.

Jeremias: Jeremias 1.16…paparusahan ko ang mga lunsod na iyon dahil sa pagtalikod nila sa akin, sila’y
nagsunog ng kamanyang patungkol sa ibang mga diyos, at sumamba sa mga diyus-diyosang sila na rin ang gumawa.

Buktot ang mga tao, itinakwil nila si Yahweh, naghahandog sila sa ibang mga diyos, sinasamba nila ang mga produkto ng kanilang mga kamay. Kabuktutan o lubhang pagpapahalaga sa mga produkto nang higit kaysa kay Yahweh, konsyumerismo ang umiiral sa lahat ng dako.

Mariang ina ni Jesus at ng mga Alagad Jesus:
Mateo 4.16Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman at …sa lahat ng nalugami sa lilim ng
kamatayan.

Nakaupo ang bayan sa kadiliman at sa rehiton at lilim ng kamatayan. Nadirimlan ang
bayan, nasa bingit na ng kamatayan ang bayan. Usapin na ito ng survival ng buong bayan.

Sa pagkakatoang ito, tinatawagan tayo ni Yahweh, tinatawagan tayo ni Yahweh sa panahong ang ating:

Organisasyong UMYF ay nasa gitna ng krisis - sa leadership, kung papansinin natin hindi na natin nakukumpleto ang miembro ng ating ExeCom, Annual at District level, may ilang tsapter tayo na hindi organisado, walang gaanong involment sa iglesya, at nasa panahon tayo na halos nasa level 1 and 2 na lang ang mga kabataan natin dahilan upang halos wala tayong mailagay sa leadership. Sa ulat ng organisayon sa district at annual level kapansin pansin ang pagliit ng bilang ng mga Gawain at dumadalong kabataan, mas malaki ang bilang ng mga tsapter na walang malinaw na programa, ang sitwasyon sa kabuuan – back to 1 tayong lahat. Larawan ito ng krisis sa ating pananampalataya bilang mga kabataang tinawag para maglingkod.

Ang ating bansa ay nasa lubhang krisis, katunayan nito ang humigit kumulang sa 27 milyong Pilipino ang mahirap at inaasahang lalaki pa ang bilang nito hanggang 50 milyong Pilipino sa mga susunod na taon kung magpapatuloy ang kasalukuyang sitwasyon, 4.1 milyon ang walang hanapbuhay, lumiit ang bilang ng mga bata at kabataan ang nakakapag-aral. Sa pag-aaral ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) sa 10 na nag enroll sa elementary 1.1 % lang makakapagtapos sa kolehiyo, ang pamahalaan ay naglagay lang halos Php 2,000.00 kada taon kada eestudyante gayong sa ibang bansa naglalaan sila ng malaking halaga para edukasyon ng kanilang mamamayan. Halimbawa sa Thailand – Php47,700, sa Malaysia – Php56,846, sa Japan – 293,440. Lumalala din ang kurapsyon sa gobyerno. Sa pag-aaral ng Word Bank tinatayang nasa Php2 trilion (US $48bn) ang napunta sa kurapsyon mula 1977 hanggang 1997. Malaki ang bilang ng mahirap, marami ang walang hanapbuhay, hindi na nakakapasok sa paaralan ang mga kabataan, ang gobyerno nasaklad sa grabeng kurapsyon. Krisis.

Ang ating pangkalahatang kalagayan, di tayo nagkakaunawaan dahil sa bukod sa napakarami nating salita o dayalekto, iba-iba pa ang ating lenggwahe, ating relihiyon at sekta, ang ating mga pilisopiya, ideolohiya at iba. Pinaghaharian tayo ng dayong kapangyarihan particular ang impeyalistang Estados Unidos, ang mga lider natin sa pamahalaan ay kabilang sa mga uring panginoong may lupa, mga malalaking negosyante at kapitalista. Ang sistemang panlipunan na mala-pyudal at mala-kolonyal ay nagpapalaganap ng isang kulturang salungat sa aral ni Yahweh na umaalipin sa napakalaking bilang ng ting populasyon

Pangalawa: Sa panahong tumawag si Yahweh, ano ang kalagayan ng mga tinawag?

Genesis 12.1…”Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong magulang at mga kamag-anak,
4…siya’y pitumpu’t limang taon na.

Nang tinawag si Abram, nasa Haran siya, sa bahay ng kanyang mgaulang, kapiling ang kanyang mga kamag-anak nya, at 75 taong gulang na sya. Dumating ang tawag ng Diyos kay Abram sa panahong nasa nilakhan nyang bayan kasamam ang mga kadugo nya, maginhawa ang kanyang pamumuhay bagamat matanda na sya.

Exodo 3.1…mula nang tumira si Moises sa Madian, siya ang nag-aalaga sa kawan ng kanyang biyenang si
Jetro

Sa panahong tinawag si Moises ni Yahweh, pinapastulan ni Moises ang kawan ng kanyang biyenan. Ginagampanan ni Moises ang mga responsibilidad niya sa kanyang pamilya ng dumating ang tawag ng Diyos.

Hukom 4.4… si propeta Deborah na asawa ni Lapidot ang hukom ng Israel. 5Nakaugalian na niyang
maupo sa ilalim ng puno . . . . ditto siya pinupuntahan ng mga tao upang makinig sa kanyang mga payo

Nang dumating ang tawag sa paglilngkod ni Yahweh, isang asawa n glider o hukom si Deborah at mabuting kapitbahay, matulungin sa kapwa

Walang masyadong malinaw na tala kung ano ang pinagkaka-abalahan ni Isaias, bagamat ang setting sa pagkakatawag sa kanya ay sa loob ng templo marahil isa syang saserdote, o kabilang sa mga inteliktual sa kanilang kapanahunan, isa syang propesyunal. Ito ang posibleng kalagayan ni Isaias ng dumating ang Tawag ng Diyos sa kanya.

Jeremias 1.6…bata pa po ako

Sa murang gulang ni Jeremias, tinawag na sya, bata pa sya ng tawagin ng Diyos para sa isang
partikular na gawain, hindi pa sya ganap na matured

Lukas 1.27..isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose
Mateo 9.9…nakita niya ang isang taong ang pangala’y Mateo, naka upo sa paningilan ng buwis.
Markos 4.16…nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na naghahagis ng lambat, sila’y
mangingisda 19….nakita niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo …. Naghahayuma ng lambat

Si Maria, malapit ng ikasal sa kanyang Nobyo ng tinawag ng Diyos, si Mateo, nagtatrabaho sa Imperyong roma bilang taga singil ng buwis, si Simon at Andres, naghahanapbuhay at si Santiago at Andres, gumagampan ng tungkulin sa pamilya. Ang mga taong ito ay abala sa kani-kanilang mga personal na gawain, o responsibilidad sa gobyerno, sa ikakabuhay at sa mga tungkulin sa pamilya. Sa ganitong kalagayan, Tinawag sila ng Diyos.

Iba-iba ang kalagayan ng mga taong ito ng dumating ang panawagan ng Diyos sa kanila. Marahil tayo rin ay abala sa ating mga sariling mga Gawain, ang iba sa atin halos katatapos lang sa high school at nagsisimula sa pagpasok sa kolehiyo, o marahil ang iba sa atin nasa kalagitnaan ng pagiging kolihiyo, ilan lang sa atin ang halos patapos na. Kung hindi man tayo nagkaroon ng pagkakaton na makapag-aral, dahil sa kahirapan o sadyang wala tayong hilig mag-aral, marahil abala tayo sa ibang bagay, pagtulong sa ating mga magulang sa gawain sa bahay o paghahanapbuhay, o maaring nasa panahon tayo na gusto nating mag explore ng ibang larangan naman ng pakikipagsalapalaran, gusto nating lumipat ng lugar para hanapin ang “kapalaran” .

Ngunit may isang katotohana, hindi man tayo sangkot ay apektado tayo, nasa isang kronikong krisis ang ating bansa. Lumalala at lumalaki ang agwat ng pagitan ng mahirap at mayaman, patuloy ang pananalanta ng dayuhang kapangyarihan sa ating kabuyahan, lumiit ang pagkakataon ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang sector ng lipunan para sa disenteng pamumuhay at hindi natin kailanman maaring itanggi na apektado tayo ng ganitong sitwasyon.

Pangatlo, ano ang ipinagagawa ni Yahweh sa tinawag?

Hindi tumatawag si Yahweh ng mga tao para sa walang kadahilanan. Hindi nya tayo aabalahin dahil lang sa gusto nya tayong abalahin, lalong hindi dahilan an gating pagiging abala sa ibang bagay para hindi tayo tawagin ni Yahweh. Katunayan, dumating si Yahweh sa mga panahon meron tayong ibang ginagawa. At tinawag tayo para gawin ang ibang gawain na taliwas sa gusto nating gawin. Ang sabi natin kanina, para maging accurate na maunawaan natin ang dahilan ng pagkakatawag sa atin, kailangan alamin natin kung ano ang ipinagagawa ni Yahweh sa mga una nyang tinawag.

Isa-isahin natin ulit ang mga taong ito.

Genises 12.1…Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong magulang at mga kamag-anak,
pumunta ka sa baying ituturo ko sa iyo 2pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin kong isang malaking bansa. Pagpapalain kita at mababantog ang iyong pangalan at magiging pagpapala sa marami

18.18…lahat ng lahi sa daigdig ay pagpapalain ko sa pamamagitan niya 19pinili ko siya upang
ipasunod niya sa kanyang lahi ang aking mg autos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan, sa gayon matutupad ko ang aking pangako sa kanya.

Nais ni Yahweh na iwan ni Abram ang Haran, ang tahanan ng kanyang magulang at mga kamag-anak at magbuo ng isang bagong sambahayan, na maging pagpapala sa iba. Ang kanyang mga descendant ay turuan ipamuhay ang pamamaraan ni Yahweh – ang pagiging matuwid at pagpapairal ng katarungan.

Inaasahan ni Yahweh na talikuran ni Abram ang sistema ng pamumuhay na isinasabuhay sa Haran sa bahay ng kanyang magulang, talikuran ang pagpapahalagang inilalagay ng lipunan sa ka-dugo. Magbuo sya ng bagong sambayanan, sambayanang inilalarawan at ipinamumuhay ang katuwiran at katarungan.

Exodo 3.8Kaya bumababa ako upang sila’y ligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mayaman,
malawak at sagana sa lahat ng bagay 10kaya, papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayan

6.6…sabihin mo sa mga Israelita, Ako si Yahweh, ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga
Egipcio, hahanguin ko kayo sa pagkakalipin 7 aampunin ko kayong lahat at ako ang magiging Diyos ninyo. 8dadalhin ko kayo sa lupang ipinangako ko kina Abraham . . .

Ang atas kay Moises, isagawa ang plano ni Yahweh para sa Israel, hanguin sila mula sa mga Ehipcio, ilabas sila mula dito, dalhin sila sa Canaan, isang mataba at malawak na lupain, lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lupaing ipinangako ni Yahweh kina Abraham.

Magtungo sa Faraon para ipaabot ang plano ng Diyos at magtungo sa mga Israelita para ipabatid na palalayain at tutubusin nila ni Yahweh, na aangkinin sila ni Yahweh bilang kanyang bayan asi Yahwe na ang kanilang magiging Diyos.

Ang magiging papel ni Moises, maging instrumento ni Yahweh sa paghango n’ya sa kanyang bayan mula sa kaalipinan at upang magkaroon sila ng sariling masagana at malawak na lupain. Kakatawanin si Yahweh at ang kanyang sambayanan sa pakikipagkompronta sa naghaharing uri at magsisilbing tagapaghatid ng mabuting balita ng pagliligtas sa bayan ni Yahweh.

Hukom 4.5….dito siya pinupuntahan ng mga tao upang makinig sa kanyang payo 6Ipinatawag nya si
Barac . . . . sinabi niya rito, “Ipinasasabi sa iyo ni Yahweh na pumili ka ng 10,000 kawal.

Magsilbing tagapagbigay ng mabuting payo ang tungkuling ginagampanan ni Deborah, sapagkat ang mga Israelita ay lito at naguguluhan, kailangan nila ng isang tao na may wastong pananaw sa buhay at ito ang gawain ni Deborah. Magtukoy ng mga tao para pakilusin para sa isang tiyak na trabaho o misyon ayon sa tagubilin ni Yahweh. Mag-ahita, mag organisa at magpakilos.

Isaias 6.8Narinig ko ang tinig ni Yahweh, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?”

Humayo bilang mensahero ni Yahweh, magsilbing tagapagsalita ni Yahweh sa kanyang bayan,
magpaabot ng mga gusting mensahe ni Yahweh sa kanyang bayan.

Jeremas 1.5Pinili na kita bago ka ipinaglihi upang maging propeta sa lahat ng bansa 7Sinusugo kita kaya’t
humayo ka, ipahayag mo sa lahat ang aking iuutos sa iyo 9…. “Hayan, ibinibigay ko sa iyo ang dapat mong sabihin 10 ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihan sa mga bansa’t mga kaharian, sila’y bunutin at ibagsak, lipulin at iwasak, ibangon at itatag.

Itinalaga upang magsilbing propeta sa mga bansa, bumunot at manggiba, mangwasak at mangbangsak. Magtayo at magtanim.

Magsilbing tagapagsalita ni Yahweh, maglansag, magwasak at magbagsak ng di makatuwiran at di makatarungang sistemang panlinpunan. Magtayo ng makatuwiran at makatarungang sistema. Ito ang magiging pangunahing trabaho ni Jeremias. Medyo mahirap, pero ang hinihingi na pagkakataon.

Lukas 1.31Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Jesus
34….Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos.

Magsisilang ng Anak ng Diyos na magsisilbing kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, magiging ina ng taong lilingap sa mga dukha, aba, mga nagugutom.

Mateo 4.10….Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng tao.

Ang panawagan ni Jesus sa mga alagad, sumunod sa kanya upang makamalakaya ng mga tao.
Simple lang angkahulugan nito, tularan si Jesus, maging organisador ng mga tao at mag recruit para mapabilang sa mga pinaghaharian ni Yahweh.

Ang mga tinawag ni Yahweh ay may malinaw na gampanang gagawin, maaring ito at labas sa kanilang nakasanayan, ngunit tiyak meron silang gagawin. Tayong mga kabataan may ipinapagawa din si Jesus sa atin, may inaasahan sa atin ang Diyos sa gagawin sa isang sitwasyong kinakaharap ng ating organisasyon, ng ating iglesya at ng ating bayan.

Mag-organisa at magpakilos ng mga kabataan sa bawat tsapter, magpalahok sa mga gawain sa lahat ng antas. Konsolidahin ang hanay para mapakilos sa gagawing pagbabago o pagliligtas ng Diyos sa ating bayan.

Bilang mga mulat na mananampalataya, tungkulin nating itakwil at talikuran at wasakin at ibagsak ang di makatuwiran at di makatarungang sistema ng lipunan, itakwil at talikuran ang nepotismo. Magbuo at magtayo ng isang sambayanang iniiralan ng katuwiran at katarungan. Magsilbing instrumento ni Yahweh sa paghango sa sambayanang Pilipino mula sa umiiral sa mala kolonyal at mala pyudal na sistema ng lipunan.

Kailangang nating kumilos upang magkaroon ng kaganapan ang pangarap ng mahihirap gaya ng magsasaka, manggagawa at ibang sector ng lipunan. Magsisilbi tayong kinatawan ni Yahweh sa pakikipagtunggali at pakikipag komprontasyon sa mga kaaway ng kabutihan at tagapaghatid ng mabuting balita ng kaligtasan.

Inaasahan tayo ng Diyos na tumugon sa kanyang mga panawagan, inaasahan tayo ng Diyos ng isang depenidong Tugon sa kanyang pagtawag sa atin. Gaya ng mga taong tinukoy natin meron silang naging tugon sa tawag ng Diyos sa kanila.

Si Abraham, tinalukuran at nilisan nya ang comfort zone nya sa Haran, iniwan nya ang tirahan ng kanyang mga magulang at kamag-anak at tumalima sya sa utos sa kanya ni Yahweh at isinama pa ang kanyang buong sambahayan at ang kanyang kayamanan at iba pang mga tao na maaring makatulong sa kanyang misyon. Si Moises, bagamat sa una ay nag atubili ito, namrublema, nabahala at umayaw dahil marami syang mga dahilan, maraming syang kahinaang nakikita sa kanyang sarili, kasam na doon ang walang tiwala sa sarili, ngunit sa banding huli si Yahweh pa rin ang nanaig. Si Isaias, malakas ang kanyang inisyatiba, katunayan nagboluntaryo sya. Mababasa natin sa Isaias 6.8 ….. Sumagot ako, Narito po ako, ako ang isugo n’yo” Si Deborah hindi lang siya nagpakilos at nag ahita, sinamahan pa nya si Barac para makidigma, lumahok ito sa pagkilos. Magkapareho si Moises at Jeremias sa nagging tugon sa pagkatawag sa kanila ni Yahwe, bagamat sa banding huli ay sumunod din sila.

Si Maria, buong kapakumbabaang tumalima at tinanggap ang kahilingan ng Diyos na maging ina ng Anak ng Diyos na magsisilbing tagapagligtas ng sanlibutan. Si Simon, Andres at Mateo at walang inaksayang sandali, kagyat nilang tinalukuran ang kanilang mga hanapbuhay, si Santiago at Juan, iniwan ang kanilang magulang, sumama sila kay Jesus at naging mga organisador.

Iba-iba din ang pwede nating maging tugon sa panawagan sa atin ng Diyos. Maaring gaya ni Abraham, pwede nating isama ang lahat ng pwede nating isama para higit tayong maging epektibo sa paggmapan sa ating mga Gawain. Pwede rin tayong maki pag bargain muna sa Diyos, magsiguro talaga na hindi tayo pababayaan, pwedeng gaya ni Jeremias at Moises, nagrerekalmo pero sumusunod naman, pwede ngang mag iyakan muna tayo rito kung makakatulong bakit hindi. Pero gaya ni Debora at Maria, pwede rin tayong tumalima ng buong kapakumbabaan, kumilos at lumahok ng buong buhay at panahon. Sa pinaka mataas, mag full time gaya ng mga alagad, magpalit ng linya ng pangarap o gawain mismo, tatanggapin kayo ng kapatiran, ng iglesya at ng sambayanang Pilipino.

Sa isang kanta ni Gary Granda, may ganitong linya, hindi kakantahin, “kung mahal natin ang Diyos, ang dukha’t nagdarahop, ang api at hikahos, sa pangalan ni Jesus, kalingain na” Ano nga ba ang katuturan ng ating pananampalataya kung hindi tayo nahihimok na makidama sa kalagayan ng ating kapatiran, ng ating iglesya at ng ating bayan. Kung ating pananampalataya ay hindi tayo naiimpluwensyahan para kumilos at lumahok sa gagawing pagliligtas ng Diyos ano ang katuturan nito. Mga kapatid, mga kasama, subukan nating suriin ang ating pananampalataya sa liwanag at tanglaw ng Banal na Kasulatan, lat lingunin natin ang ating kalagayan, baka sakali may magawa pa tayo, bago maging huli at lahat, bago kumitid kay Cristo at malamig sa paglilingkod.

Gusto kong tapusin ang BTR na ito sa ganitong mga salita. Ito ay mula sa UMYF Covenant, ganito ang pagkakasulat:

We, of the nited Methodist Youth Fellowship in the Philippines, answer God’s call to be Christian community, a fellowship of worship, study and service, alert and responsive to God’s action in this age and to seeking love in Jesus Christ, to the end that:

. . . . in THRUTH , we may know ourselves as His own
. . . . in FAITH, we may be obedient to His will; and
. . . . in LOVE, we may fulfill His mission among all people.

Christ Above All. Kabataan, nakatalaga kay Cristo, tinawag upang maglingkod. Amen.