Thursday, January 15, 2009

Book Review

Pedagogy of the Oppressed
By: Paulo Friere


Una sa lahat, naniniwala akong ang pang-ekonomiya at pangkulturang kahirapan na nararansan ng mga tao sa lahat ng panig ng mundo at sa particular ng mamamayang Pilipino ay resulta ng dominasyon at pagsasamantala ng mga mayayamang iilan. Hindi ito isang kapalarang pilit na ipinauunawa sa atin. Hindi ito isang sitwasyong ginusto ng Diyos na maranasan ng mga tao, at intensyon ng Diyos na may mayaman at may mahirap. Naniniwal akong sa proseso ng pag-unlad at sa bawat yugto ng lipunan, ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa ay isang prosesong napaunlad ng mga tao, resulta ng iba’t-ibang tunggalian sa loob ng lipunan.

Ang suliranin ng mga mahihirap sa ngayon ay resulta ng isang di wastong oryentasyon particular sa kanayang kultura, na lubhang litaw na litaw sa kalagayan ng Pilipinas. Sa ating sitwasyon, ang mga biktima ng karahasan o silang mga itinuturing na “mahihirap” ay kontroloda ng isang kulturang “mas mabuti ng tumahik kaysa makilaam” na pilit ipinaunawa sa kanila ng mga naghaharing uri sa lipunan – ang mga mayayaman, na ang kanilang kahirapan o kalagayan sa buhay ay isang kapalarang dapat nilang tanggapin at wala ng magagawa pa na mabago ito. Sa isang banda, kung ang mga mahihirap ay nagsikap o nagtangka na makibaka para sa kanilang mga karapatan at dignidad bilang tao, nagiging marahas itong sinasagot ng mga naghaharing uri sa lipunan.

Maliban sa direktang kakayahang supilin ng mga mayayaman ang pagsisikap at pagnanais ng mahihirap makaahon sa kalagayan nila, nakakatulong pa ang mga establisiyadong institusyon para wasakin ang anumang pagsisikap ng mga mahihirap para sa kanilang kapakan. Nandiyan ang media na may malaking impluwensay sa buhay ng tao, mula sa pagsilang hanggang kamatayan ng isang tao, nakatali ito sa impluwesya ng media. Nandyan din ang simbahan, na sa halip na makatulong upang maunawaan ng tao ang kabuuan ng buhay na ganap at kasiya-siya ay hindi lamang usapin ng pagpunta sa langit kundi usapin din ng sapat na pangangailangan material nagiging kasangkapan pa ito upang ipatanggap sa mga tao na kalooban ng Diyos ang makaranas sila ng pagsubok sapagkat sa langit naman ay may naghihintay na kasiyahan, na wala itong pagkaunawa sa tinatawag na kasalanang panglipunan – ang paglawak ng pagitan ng mahirap at mayaman.

Higit sa lahat ang sistemang edukasyon na siyang pangunahing arkitekture ng sistemang umiiral sa ngayon at sa mga nagdaang panahon na pawing nagbibigay ng pabor sa mga mayayaman at kawalang katiyakan sa mga mahihirap.

Sa ganitong sitwasyon, ano ang papel ng mga edukador upang sa gayon ang mga mayaman at mahirap ay kapwa maranasan ang buhay na may dignidad bilang isang tao. Naniniwala akong ang isang makataong lipunan ay iiral kung walang umiiral na uri sa loob ng lipunan, kung ang bawat isa at magkakapantay na nakikibang sa biyaya ng lipunan. Kung meron mang dapat na gawin ang mga edukador ito ay ang palayain ang lipunan sa isang di makataong sitwasyon na kapwa mapapakinabangan ng mahirap at mayaman. Sapagkat sa katotohanan ang edukasyon, ito man ay pormal o hindi pormal ito ay naglalatag ng mga kaisipan o pilosopiya ng buhay at nagpapaunlad upang magkaroon o sumulpot ang pagbabago sa isang partikular na lipunan. Higit kailanman, kailangan ng mga mahihirap na mabigyan sila ng kakayahang wasakin ang isang kulturang nagkulong sa kanila – ang kultura ng pagiging tahimik at kawalang pag-asa. Tungkulin ng mga edukador na i-facilitate ang pagbabagong kinakailangan hindi sa paraang pagdidikta kungdi isang edukasyong nakikibahagi sa buhay at kamatayang pakikibaka ng mamamayan para sa isang lipunang makatarungan. Pangunahing tungkulin ng mga edukador ang palaganapin ang mithiin ng mga mahihirap, ang ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng kanilang mithiing lumaya sa isang lipunang di makatao at itayo ang isang lipunang Malaya at makatarungan.

Kung ang kulturang pagsasamantala ay gawa ng mga makapangyarihan o mayayaman, possible bang ito ay mawala at sa gayon mawawala rin ang isang strukturang mapag-api na ang pangunahing biktima ay mga mahihirap? Bilang mga kristianong edukador, mahalagang maging mulat tayo sa tunggalian ng mga uri na umiiral sa lipunan, sa gayong paraan lamang mauunawan natin at magagawa natin ang tamang pormula ng isang mapagpalayang edukasyon para sa lahat ng tao, lalo na sa hanay ng mga mahihirap. Ang ganitong pagkaunawa lamang ng edukasyon ang siyang magtitiyak na maibabalik ang isang makatao at may dignidad na lipunan.

Ang edukasyon ay isa mga epektibong kasangkapan sa pagpapaunlad ng isang kultura, sa katunayan ito ay mabisang paraan na ginagamit ng mga elit – edukasyon naka sentro sa kanila sa gayong paraan napapanatili nila ang kanilang dominasyon sa lipunan at manatiling nakakapagsamtala lalo na sa mahihirap.

Sinikap na ipaliwanag ni Paulo Friere na ang anumang edukasyon naka sentro lamang sa kakayahan ng guro at ang mga estudyante ay naka asa lamang sa kanilang guro ay hindi totooong edukasyon. Ang ganitong edukasyon at kultura ay mabisang nagamit ng mga mayayaman para sa kanilang kapakanan. Bilang mga mag-aaral para sa kalayaan, kung nais nating bigyan ng kapangyarihan at lakas ang mga mahihirap para sa kanilang kalayaan at maunawaan nilang sila man ay may kakayahang baguhin ang sitwasyon at iluwal ang isang makataong lipunan na may dignidad at pagkakapantay-pantay.

No comments: