Friday, August 8, 2008

Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at sa mga Kasama

9Sinimulan niyang sabihin sa mga tao ang isang talinghaga. Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Ipinaupahan niya ito sa mga magsasaka ng lupain at nilisan niya ang bayan sa mahabang panahon. 10Sa kapanahunan, isinugo niya sa mga magsasaka ang isang alipin upang ibigay nila sa kaniya ang bunga ng ubasan. Ngunit binugbog ito ng mga magsasaka at pinaalis nang walang dala. 11Muli siyang nagsugo ng isang alipin ngunit binugbog din nila ito at pinagmalupitan at pinaalis nang walang dala. 12Nagsugo siyang muli ng pangatlo ngunit kanila rin siyang sinugatan at itinaboy palabas. 13Sinabi ng panginoon ng ubasan: Ano ang gagawin ko? Susuguin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Marahil siya ay igagalang kapag siya ay kanilang nakita. 14Ngunit nang siya ay makita ng mga magsasaka, sila ay nag-usap-usap. Kanilang sinabi: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang mana. 15Nang siya ay kanilang maitaboy palabas ng ubasan, siya ay kanilang pinatay. Ano nga ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? 16Darating siya at lilipulin ang mga magsasakang ito. Ang ubasan ay ibibigay niya sa iba. Pagkarinig nila nito, kanilang sinabi: Huwag nawang mangyari. 17Tiningnan niya sila at kaniyang sinabi: Ano nga ang kahulugan ng nasusulat na ito: Ang bato na tinanggihan ng mga tagapagtayo ay naging batong panulok? 18Ang bawat isang babagsak sa batong iyon ay magkakapira-piraso. Ngunit ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog. 19Ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ay naghanap ng paraan upang hulihin siya sa oras ding iyon at natakot sila sa mga tao. Ito ay sapagkat alam nila na sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila. Hindi lahat ng legal ay tama at hindi lahat ng illegal ay mali. Sa tradisyunal na interpretasyon, ang may-ari ay kumkatawan sa Diyos, ang ubasan ang kaharian niya at ang mga kasama ay ang mga tao. Ngunit kung sa konteksto ng magsasaka natin ito titignan, ang may ari ng lupa ay isang malaking panginoong maylupa na nagmama-ari ng malawak na lupain at ang mga kasama ay mga taong naagawan ng lupa kaya naging manggagawang bukid na lang sila o di kaya’y mga magsasakang nagbubuwis sa may ari. Kung ating ilalarawan ang relasyon sa talinghaga – tenant and land owner ang relasyong ating mailalarawan. Ang ganitong relasyon ay laging pabor sa panginoong may lupa, kung sa ating konteksto, maaring ang hatian ay 70/30, 70% ang mapupunta sa land owner at 30% lang ang mapupunta sa magsasaka. Ang ganitong relasyon ay laging naglalagay sa manggagawang bukid o magsasaka sa depensibong sitwasyon, kung lahat ng gagamitin nya sa pagsasaka ay uutangin nya sa may-ari ng lupa, kulang ang 30% na kita nya para matugunan ang kanyang kabuhayan. Sa talinghaga, makikita nating walang partisipasyon ang may ari sa gawaing produksyon, tanging ang pagiging “may-ari” sa lupa lang ang pinanghahawakan nito at iyon ang mayor na mapagpasya sa usapin ng kita o partihan. Sa relasyong buwisan, bahala ang magsasaka na mag provide ng lahat ng farm input, kumita man o hindi obligado ang magsasaka na ibigay ang 70% na kaparte ng may-ari, wala itong bawas, samantala sa bahagi ng magsasaka, sa 30% nitong kaparte kukunin ang pambayad utang na ginamit na farm input at pagkain nila habang wala pang ani o benta. Kaya ang resulta, sako o lalagyan na lang ang matitira o mii-uuwi ng magsasaka sa kanyang bahay, may utang pa ito. Pagdating ng anihan ang unang iisipin ng mga kasama ay kung paano nila matitiyak na kahit paano ay may maiuwi sila sa kanilang bahay para makatugon sa kanilang pangangailangan. Ang panginoong may lupa sa kabilang banda ay kukuha siya ng kaparte nya pero hindi nangangahulugan na kailangang kailangan nya ang kaparte nya, maisasama lang ito sa marami pang kaparte nya mula sa ibang kasama na kinukuhanan nya ng kaparte, pero sa magsasaka, usapin ng buhay at kamatayan ng boung pamilya ang sangkot. At kapag ito na ang sangkot, marami nang pwedeng magawa para matiyak ang kasiguruhan ng buhay. Kung sa legal na usapan, sadyang may karapatan ang may ari na kumuha ng kaparte sa lupang ipinasasaka nya sa mga kasama, at obligasyon ng kasama na ibigay ang kaparte sa may-ari ng lupa. Iyan ang legal. Pero dahilan sa legalidad maraming mga magsasaka ang nawalan ng lupa at marami ang naging mga naging mangagawang bukid na lang. Legal na kunin ng panginoong may lupa ang kanyang kaparte kahit na magresulta ng pagkagutom, patuloy na pagkabaon sa utang ng mga kasama at pagkasadlak sa lubhang kahirapan sa buhay. Ilegal na huwag ibigay ang kaparte ng may-ari, illegal na saktan ang mga kinatawan ng may-ari para kunin ang kaparte at lalong illegal na saktan hanggang patayin ang anak ng may ari para matiyak na hindi makukuha ang kaparte ng may-ari. Sa pagitan ng legal at illegal, ng panginoong may lupa at kasama, ng buhay at kamatayan alin ang mas mahalaga. Ang choice ng panginoong lupa ay gamitin ang lahat ng kanyang rekurso para matiyak na mukukuha nya ang kanyang kaparte at hindi imposibleng gumamit ito ng pinakamarahas na paraan para maipilit ang kanyang karapatang ginagarantyahan ng legal na batas at sa kabilang banda sisikapin din ng mga kasama na matiyak na mabubuhay sila ng maayos kahit na gumamit sila ng extra legal, meta legal o para legal dahil hindi lang ito usapin ng legal o illegal, usapin din ito ng buhay na tiyak kahit hindi masagana. Para sa akin ang talinghaga ay naglalarawan o naglalahad ng isang tunay na kalagayan sa kanayunan, habang ang panginoong may lupa na walang direktang pagsangkot sa produksyon napupunta ang malaking parte at sa kabilang banda naman ang mga magsasaka na boung panahon nila ay nasa proseso ng produksyon ay siyang maliit ang nakukuhang kaparte. Walang karapatan ang sinuman na alisan ng karapatang mabuhay ng maayos dahil lamang sa legalidad at hindi kailanman maaring hatulan ang isang tao na masama dahil sinuway nito ang itinatadhana ng batas. Ang pagkakait ng pagkakataon para mabuhay sa iba dahil lamang sa usapin ng legal ay kasing kahulugan ng pagkakait ng katarungan at karapatang mabuhay.

No comments: